Habilin sa mga Nagsipagtapos
Ma. Cristina D. Padolina
August 2000
Diliman,Quezon City
Magandang umaga sa inyong lahat.
Minsan pa, ang pamunuan ng Unibersidad ng Pilipinas ay nagtipon-tipon upang maggawad ng testimonya ng pagsisikap at makibahagi sa isang selebrasyon ng tagumpay.
Tagumpay ng ating nagsipagtapos. Ngunit tagumpay din ng kanilang mga pamilya na katulong nilang nagsikap upang marating ang araw na ito. At tagumpay din ng kaguruan ng Unibersidad ng Pilipinas sa kanilang pagsasaayos ng pagtuturo sa mga estudyanteng hindi nila kaharap at hindi nakakausap ng harapan.
Kung si Mr. Quiblat ay may kuwento, may kuwento din akong nais ibahagi sa inyo. Kung noon may kuwentong-kutsero ngayon ang uso ay kuwentong e-mail. Ang kuwentong ito ay nakuha ko sa aking e-mail at katulad ng karaniwang kuwentuhan, nadagdagan na ito at nabawasan sa pagsasalin ko sa inyo.
Isang araw sa malayong lugar, namamahinga ang isang mag-asawa sa kanilang bahay ng may mag-tao po sa tarangkahan. Lumabas ang maybahay upang alamin kung sino ang dumating. Pagbalik niya sabi niya sa kanyang asawa, "may tatlong gustong makituloy sa ating bahay. Ang pangalan nila ay Kaligayahan, Karunungan, at Karangalan." Ang sabi ng kanyang asawa, "Aba, ang mabuti ay papasukin mo sila agad." Sumagot ang maybahay, " Ngunit sabi nila, mamili daw tayo ng isa lamang na ating papasukin." Nag-isip ang mag-asawa at nagpasiya sila na ang papasukin nila ay si Karunungan.
At lumabas uli ang maybahay upang papasukin na nga si Karunungan. Nang pagbuksan ng asawa ng pinto ang bisita nagulat siya pagkat dumating si Karunungan na bitbit ay baul na malaki at kasunod si Kaligayahan at Karangalan.
Sabi ni Karunungan sa namamanghang tao ng tahanan, "Huwag kayong magtaka na malaki ang dala kong baul dahil kapag ako ay pumasok sa isang bahay hindi ako bumibisita lamang, ako ay namamahay. At itong mga kasunod ko ay bonus ninyo sa mahusay ninyong desisyon sapagkat kung nasaan ako nandoon din si Kaligayahan at Karangalan. Lingid sa ibang tao sila ay sunud-sunuran sa akin ngunit kapag sila ang nauna walang katiyakan ang pagsunod ng iba sa amin. At huwag kayong magtataka kung sumunod ang iba pa sa amin. Nahuhuli lamang si Kayamanan at Katiwasayan. Ngunit tiyak sila ay darating."
Kayong mga nagsipagtapos ngayon ay katulad ng mag-asawa sa kwento. Maganda ang inyong desisyon na magpatuloy ng pag-aaral upang magtamo ng higit pang karunungan. Ang inyong tiyaga, pagsisikap, pagpupuyat, lahat ng inyong pagpapagal, ay mamumunga ng marami at magdadala ng kasaganaan sa buhay at kayamanang walang maliw sa inyo at sa inyong mag-anak.
Kami, sampu ng kaguruan at pamunuan ng Unibersidad ng Pilipinas ay nagagalak na madaragdagan ng lalong mahuhusay na guro ng siyensiya at matematika ang ating bansa dahil sa bilang ng mga nagsipagtapos ng Diploma in Science Teaching at Diploma in Mathematics Teaching.
At malaki ang aming tiwala na higit na maalagaan ang kalusugan ng ating mga mamamayan sa pamamagitan ng kontribusyon ng mga nagsipagtapos ng Master of Public Health.
At umaasa ang ating bayan na mapapalawak ang pang-unawa ng ating mga kabataan sa ating lipunan at bansa sa tulong ng nga nagsipagtapos ng Social Studies Education.
Gayundin ang aming pag-asa na ang pag-aaral ng lenguahe ay humantong sa higit na malalim na kabatiran sa pamamagitan ng ating mga nagsipagtapos ng Diploma in Language .
Ang pagyabong ng pananaliksik tungo sa ikauunlad ng ating bayan ay atin namang iniaasa sa mga nagsipagtapos ng Diploma in Research and Development Management.
Bagamat iilan lamang ang ating nagsipagtapos ng Diploma in Agriculture at Master of Social Work sila ay may mahalagang katungkulan sa pag-angat ng kabuhayan ng ating mga mamamayan.
At sa panahong ito na tinaguriang Information Age, ang ating mga nagsipagtapos ng Diploma in Computer Science ay mabibigyan ng pagkakataong palawakin sa ating bansa ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa impormasyon at komunikasyon.
May bansag ang lahat ng mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas. Iskolar ng Bayan kayong naturingan. Yaman ng bayan ang ipinundar sa inyong pag-aaral at ang inyong natamong karunungan naway inyong gamitin sa pagpapalaya sa ating mga kababayan sa bigkis ng kamangmangan at karalitaan nang sa gayon ay umangat ang kanilang kaisipan at kabuhayan. At sa adhikain na ito, nais kong gamitin ang mga salita ang ating pambansang bayani na si Jose Rizal na nag-udyok na "dapat nating ibuhos ang buong liwanag ng ating mga kaisipan at lahat ng tibukin ng ating puso."
Maligayang bati sa inyong lahat.
